Kung noon ay hindi mahulugan ng karayom ang crowd, ngayon ay mangilan-ngilan na lamang at halos bilang na ang tao na nagtungo dito kahapon upang ipagdiwang ang anibersaryo. Tanging mga pulis at vendor na lamang ang nakitang gumagala.
Dahil dito, nadismaya si dating Pangulong Fidel Ramos sa anyay hindi pinaghandaang pagdiriwang ng EDSA 1 matapos mapansing kakaunti lang ang mga taong dumalo sa selebrasyon kahapon.
Ayon kay Ramos, ang EDSA People Power 1 ay apat na araw at dapat sanang Pebrero 22 pa lang ay nagsimula na ang selebrasyon na siyang naghudyat sa pag-uumpisa ng paghihiwalay ng militar at pulisya sa gobyernong diktaturya.
Natuon lang anya sa relihiyosong aktibidad ang pagdiriwang ng EDSA 1 at matangi sa mga opisyal ng gobyerno at mga kawaning inobligang dumalo ay walang pakikilahok dito ang pribadong sektor, civil society at mga dayuhang diplomat.
Aniya, halos walang tao na sumama sa kanilang pagdiriwang maliban sa kanila ni Pangulong Arroyo, dating Pangulong Cory Aquino, Vice President Teofisto Guingona, Senate President Franklin Drilon at Presidential Adviser on Ecclesiates Dodi Limcauco.
Dahil dito, sinabi ni Ramos na hindi malayong wala nang dadalo pa sa susunod na taon bagamat tiniyak nito na darating pa rin siya sa anibersaryo at itutuloy ang laban para sa nakararaming Filipino.
Aniya, nakalulungkot na isipin na maraming pulis at sundalo ang namatay at nasugatan upang maipaglaban lamang ang kalayaan ng bansa subalit karamihan sa mga Filipino ay nagbabalewala.
Nakakapagtaka din na walang cause-oriented at militanteng groups na nagsagawa ng kanilang kilos protesta sa pagdiriwang ng EDSA 1 at sa kasalukuyang administrasyon.
Dala marahil ng pagdaramdam ay nagsuot ng black polo shirt at na-late sa misa.
Idinepensa naman ni Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman na sinadya talagang gawing simple lang at hindi magarbo ang pagdiriwang alinsunod sa pagnanais ni Pangulong Arroyo na gawing mataimtim ang pagbuhay sa diwa ng EDSA.
Ipinagtanggol rin ng Malacañang ang hindi pagdalo ni Pangulong Arroyo sa aktibidad at hindi anya nang-snub ang Pangulo.
Sinadya umano ng Pangulo na huwag nang magtalumpati pagkaraan ng misa sa EDSA shrine dahil nais niyang sina Jaime Cardinal Sin at dating Pangulong Aquino na mga personalidad ng EDSA People Power 1 ang siyang magbibigay ng mensahe para sa okasyon. (Ulat nina Doris France, Lilia Tolentino at Joy Cantos)