Sa kanyang sulat, sinabi ni DepEd Undersecretary for Finance Isagani Cruz na nagbitiw siya noong Agosto 1, 2001 dahil sa malalim na hidwaan nila ni Roco hinggil sa pangangasiwa sa DepEd.
Ang sulat ni Cruz ay bahagi ng mga dokumentong ibinigay ng DepEd union sa Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) kaugnay ng demandang katiwalian laban kay Roco na may kinalaman sa pagbili nito ng P1.5 milyong halaga ng mga poster na may malaking litrato ni Roco. Ang mga poster umano ay bahagi ng "advance campaigning" ni Roco, ayon sa unyon.
Malinaw sa report ng COA noong Nobyembre 3,2002 na ang salapi ng pamahalaan ay dapat nakalaan lamang sa interes ng bayan.
Subalit nangangamba ang unyon ng DepEd na maaari umanong nagamit ang pondo ng kagawaran para sa maagang "pangangampanya" ni Roco nang magsagawa ng linggu-linggong paglilibot si Cruz sa buong kapuluan.
Wala pang isang taon na nakakaalis si Cruz, isa pang undersecretary na si James Jacob ng legal affairs ang nagbitiw din noong Hunyo 3, 2002 dahil sa "irreconcilable differences" kay Roco.