Barko lumubog: 12 Pinoy nasagip

May 12 Pilipinong tripulante ang nasagip habang apat pa na kinabibilangan ng 2 Pinoy at 2 Koreano ang nawawala matapos na lumubog ang Panamanian-registered vessel na kanilang sinasakyan kahapon ng madaling araw sa Okinawa, Japan.

Ayon sa report ng embahada ng Pilipinas sa Tokyo, dakong 1:01 ng madaling araw lumubog ang M/V Pendora at ang exact location ng insidente ay sa coast of Kaita Daimato.

Kinilala ang mga nailigtas na sina Sabas Bantawig, Exequilito Padon, Jerome Nofre, Silvestre Retorta Jr., Benedicto Garbo, Paulino Imalunjao Jr., Roni Riconalla, Peter Alexis Indapan, Ruben Batiancila, Gerry Maglinao, Jay Singculan at Manuelito Caramba.

Samantala di muna inihayag ang pangalan ng dalawa pang Pinoy na nawawala pero inimpormahan na ang kanilang kaanak sa Pilipinas. Kabilang pa sa nawawala ang kapitan at chief engineer ng barko na pawang Koreano.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Blas Ople, may 16 seamen ang sakay ng naturang barko na may bigat na 4,252 tonelada.

Isang search and rescue operation ang kasalukuyang ginagawa. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments