Inaprubahan na ni Pangulong Arroyo ang rekomendasyon nina Foreign Affairs Secretary Blas Ople at Defense Secretary Angelo Reyes para sa implementasyon ng Balikatan sa Sulu. Ang Balikatan ay codename ng war games sa pagitan ng dalawang bansa na may layuning lipulin ang Abu Sayyaf kidnap-for-ransom group na ugnay sa al-Qaeda terror network ni Osama bin Laden.
Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, tulad ng ginanap na military exercise sa Basilan noong nakaraang taon, ang Balikatan 03-1 ay bahagi ng pangkalahatang pagsasanay-military at magkatuwang na pagtutulungan ng US at RP para mapagbuti ang kahandaang pang-depensa at pang-seguridad ng mga Pilipinong sundalo.
Sinabi ni Bunye na wala pang eksaktong bilang ng mga Amerikanong sundalo at support troops na ipadadala sa bansa, gayundin ang duration ng exercise dahil ang detalye ng Jolo operation ay pag-uusapan pa sa pagbisita sa isang linggo ni US Major Gen. Joseph Weber.
Sa idinaos na press briefing, sinabi ni Bunye na hindi na kailangang magkaroon ng bagong "term of reference" dahil ang susundin na lamang ay ang dating mekanismo at regulasyon sa mga nauna nang Balikatan exercise.
Ayon kay Bunye, ang napagkasunduan ng magkabilang panig ay gawin ang pagsasanay sa Sulu dahil ito ang pinaka-praktikal na lugar na pagdausan ng military exercise.
Dahil mayroong mga rebelde sa Sulu, sinabi ni Bunye na inaasahan nang mauulit ang sitwasyong kinakaharap sa naunang Balikatan sa Basilan.
Gaya nang dati, sinabi ni Bunye na ang mga sundalong Amerikano ay magsisilbi lamang adviser at suporta. Ang aktuwal na pagharap sa mga rebelde kung sakaling maganap ay gagawin ng mga sundalong Pilipino.
At para sa ikapagtatagumpay ng bagong Balikatan, sinabi ni Bunye na may isasagawa ring konsultasyon sa mga local na opisyal para hindi maapektuhan ang mga sibilyan.
Sangkot din sa programa ang pagsasagawa ng gawaing pangkawanggawa lalo na sa larangang pangkalusugan.
Inihayag din ni Bunye na inaasahan na ng Malacañang na may ilang sektor na mag-iingay bilang reaksiyon sa pagdaraos ng magkasanib na military exercise. (Ulat ni Lilia Tolentino)