Ang mga domestic helpers ay sakay ng Kuwait Airlines flight KU-411 na karaniwang sinasakyan ng mga naaping manggagawang Pilipino at lumapag sa Ninoy Aquino International Airport dakong alas-4:35 ng hapon mula sa sinasabing oil rich country, tinatayang 100 kilometro ang layo sa Iraq.
Ilan sa mga umuwing Pilipina ay kinilalang sina Marites Rizare, 33, ng Bicol; Gina dela Cruz, 26, ng Nueva Ecija; Annalyn Intrina, 23, ng Davao Sur; Norhaja Patiang, 23, ng Maguindanao; Muslima Hamca, 27, ng Cotabato; Dulce Essol, 21, ng Basilan; Lemelyn Reodique,32 ng Negros Oriental at Lodelyn Alvarez,25 ng Davao City.
Ayon kay Atty. Cesar Chavez, Legal Division Chief at kasalukuyang hepe ng Workers Assistance Division ng OWWA, ang repatriation ng 20 migrant workers ay binigyang permiso ng Kuwaiti government batay na rin sa ginawang representasyon ni Pangulong Arroyo ng bumisita ito kay Emir Sheik Jaber Al Ahmad Al Sabah sa Kuwait nang mahabag sa kalagayan ng mga Pilipino sa kalupitang sinapit sa kanilang employer.
Kabilang din sa hiniling ng Pangulo na mabigyan ng pardon ang dalawang OFW na sina Danilo Espino at Joseph Urbiztondo na kasalukuyang nakapiit sa Kuwait matapos na mahatulan ng First Court of Instance ng habambuhay na pagkabilanggo.
Nakatakda namang dumating ang ika-limang batch na binubuo ng 40 OFWs bukas. (Ulat ni Butch Quejada)