Ayon kay Bayan Muna Rep. Liza Maza, isa sa may akda ng House Bill 5516 o Anti-AWIR (Abuse of Women in Intimate Relationships) bill, ang pagkapasa ng nasabing panukala ay isang tagumpay para sa maraming kababaihang matagal nang lumalaban sa ibat bang uri ng pagmamaltrato.
Sa ilalim ng AWIR bill, ang anumang porma ng pang-aabuso sa babaeng asawa, ka-live-in, girlfriend o karelasyon ay ituturing nang public offense.
Kabilang sa maaring parusahan ay ang pang-aabusong pisikal, sekswal, economic at psychological.
Dahil ituturing ng public offense ang pag-abuso sa karelasyong babae, maari nang magsampa ng kaso hindi lamang ang biktima, kundi pati na rin ang kanilang kakilala, kamag-anak, kapitbahay o sinumang saksi sa pang-aabuso.
Ang mapapatunayang nagkasala ay maaaring parusahan ng hanggang habambuhay na pagkabilanggo, depende sa bigat ng pang-aabuso.
Maaari na ring tumakbo sa mga korte at mga opisyal ng barangay ang mga nagiging biktima ng pambubugbog upang mabigyan ng Barangay Protection Orders na maaaring magtagal ng 15 araw hanggang anim na buwan.
Maaari ring maging permanente ang Barangay Protection Order na ibibigay sa isang biktima ng pang-aabuso.
Sa nabanggit na protection order, pagbabawalan ang mga nang-abuso na pumunta sa kanilang bahay o lugar na tinitirhan ng biktima.
Kasabay nito, nanawagan si Maza sa mga kinatawan ng ibat ibang grupo ng mga kababaihan na ipagpatuloy ang pagla-lobby sa Senado upang pumasa rin doon ang Anti-AWIR. (Ulat ni Malou Escudero)