Sa panayam kay Guillermo Luz, sec-gen ng NAMFREL, sinabi nitong lubhang dismayado ang kanilang samahan sa kinalabasan ng botohan laban sa impeachment kay Tancangco.
Aniyay hindi naging matibay ang committee report ng Kongreso dahil tumagal ng dalawang buwan ang pag-ikot nito pero nakapagtataka na walang pirma ang ilang mambabatas.
Iginiit ni Luz na isang pagsasayang lamang ng buwis ang naganap at hayagang binalewala ang mga nailatag na ebidensiya upang magdiin sa pagsulong ng nasabing usapin.
Sinabi din ni Luz na ipapasailalim pa rin ng NAMFREL si Tancangco sa imbestigasyon dahil kailangang malaman kung paano nito ginastos ang pondo ng Comelec. (Ulat ni Jhay Mejias)