Sinabi ni Ebdane na nasa proseso pa lamang sila ng pagbuo ng implementing rules and guidelines base sa kautusan ni Pangulong Arroyo at kapag gumawa sila ng hindi magandang aksyon ay posibleng makasama sa kanila ang magiging laman nito.
Nilinaw rin nito na kanselado na ang lahat ng Permit To Carry Firearms Outside Residence ng mga gun owners kahit na hindi pa ito expired at magiging silbi na lamang ay ang manatili ang baril sa loob ng bahay.
Pinamumunuan ni Directorate for Police Community Relations Group Ricardo de Leon ang binuong komite na inatasan ni Ebdane na ipalabas ang IRR sa darating na Lunes.
Ipapaloob sa naturang guidelines na tanging pulis at militar na nasa duty lamang ang hahayaang magdala ng baril.
Kinakailangan naman ng iba na kumuha o magpakita ng mission order sa mga espesyal na misyon tulad ng surveillance o intelligence gathering.
Magbibigay rin ang PNP ng special permit sa mga taong may pagbabanta sa kanilang buhay ngunit kinakailangan pa umano nila itong patunayan sa pulisya para malayang makapagdala ng baril.
Dahil sa naturang paghihigpit sa paglalagay ng mas maraming checkpoint, nanawagan si Ebdane na kumuha na ng amnestiya ang mga may-ari ng baril sa oras na maaprubahan ang IRR upang hindi masampahan ng mabigat na kaso sa oras na mahuli sila.
Ayon sa record ng PNP, umaabot na sa 31,000 ang naaprubahang PTCFOR kung saan simula noong Agosto o Setyembre ng nakaraang taon ay tinatayang may P31 milyon na ang kinita nito. (Ulat ni Danilo Garcia)