Sa House Bill no. 5629 na inihain ni Batangas Rep. Victoria Reyes, sinabi nito na dapat maging maagap ang pamahalaan sa pagpasa ng batas upang maharang ang posibilidad na pagsasagawa ng human cloning sa bansa.
Ang human cloning ay legal na sa United Kingdom, subalit pinagdedebatehan pa rin ito sa Amerika matapos isilang ang isang tupa na nagngangalang Dolly sa pamamagitan ng cloning.
Ang cloning ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagkuha ng DNA buhat sa egg cell ng isang babae at pinapalitan ito ng genetic material mula sa taong gustong gayahin o i-clone. Nangyayari ang development ng embryo sa laboratoryo saka ito ilalagay sa sinapupunan ng isang ina.
Naniniwala si Reyes na ang legalisasyon ng cloning ay hindi lamang isang malaking kasalanan kundi pagmamanipula sa buhay ng tao. (Ulat ni Malou Escudero)