Ang Communist Party of the Philippines (CPP), National Democratic Front (NDF) at ang New Peoples Army (NPA) ay nagawang makapagpalakas ng puwersa, armas, mga kaalyado, teritoryo at palawigin ang insurgent activities sa mga malalayong lugar at karatig lungsod sa nakaraang taon. Nakapag-recruit din ng maraming tao ang communist movement upang maisakatuparan ang kanilang layunin.
Ang CPP-NDF-NPA ay determinadong magtayo ng isang sistemang Marxist sa Pilipinas. Upang maisakatuparan ang kanilang layunin, kinukuha nila ang simpatya ng tao, sirain ang economic at political base ng bansa, at wasakin ang sentro ng lungsod upang lumiit ang tsansa ng bansa sa pakikipaglaban sa kanilang hangaring ma-corner ang mga barrio at barangay sa mga lalawigan, nagsagawa ang CPP-NDF-NPA ng guerilla operation sa pamamagitan ng pangungulimbat ng armas upang maipakita ang kanilang puwersa. Naglatag din sila ng mass base sa buong bansa upang malayang makapag-recruit ng miyembro sa pamamagitan ng pananakot upang makakuha ng suporta.
Ang pagtatanggal ng Martial Law noong 1981 at naging daan upang lalong palakasin ng komunistang kilusan ang kanilang gawain. Noong huling bahagi ng 80s, naging malala ang problema sa mga komunista sa Pilipinas maraming naganap na engkuwentro sa pagitan ng militar at pulis at ng mga rebelde na nagresulta sa pagkamatay ng maraming inosenteng sibilyan at pagkakasira sa hindi mabilang na halaga ng mga ari-arian. Sangkot ang CPP-NDF-NPA sa liquidation, extortion upang makakalap ng pondo, pananabotahe, ambushes, raids at ilan pang illegal na gawain sa buong bansa. (Ulat ni Butch Quejada)