Sa dalawang pahinang resolusyon ng CA special 6th division, inatasan nito si BI Commissioner Andrea Domingo na kaagad na palayain ang chief mechanic ng Laoag Air na si Teng Chui alyas Jimmy Tan, isang Australian national.
Bukod dito, kailangan ding magsumite si Domingo ng kanyang report sa CA special division hanggang Enero 9 kaugnay sa pagpapalabas ng bansa kay Tan.
Wala umanong nakikitang matibay na basehan upang harangin ang boluntaryong pagbabalik sa Australia kay Tan at ang pananatili umano nito sa bilangguan sa Bicutan, Taguig ay itinuturing na walang saysay.
Nakasaad din sa direktiba na pansamantalang isasailalim si Tan sa pangangalaga ng abugadong si Atty. Wilfredo Garcia hanggang hindi inaayos ang voluntary departure nito.
Magugunita na 19 katao ang nasawi matapos na bumagsak ang flight 585 ng nasabing eroplano sa karagatan ng Manila bay noong Nob. 11, 2002 ilang minuto matapos itong lumipad mula sa Manila Domestic Airport.
Sinabi naman ni Domingo na nagawa nang makapagpiyansa noon ng isa pang akusado sa krimen na si Paul Ng, ang chief operating officer ng Laoag Air samantalang si Tan ay ipinakulong ng BI dahil sa pagtatrabaho sa bansa ng walang working permit. (Ulat nina Gemma Amargo/Jhay Quejada)