Ayon sa mga empleyado, walang basehan ang akusasyon ni Alcuaz na illegal ang kanilang Cost of Living Allowance (COLA). Pinupulitika lamang umano nito ang PCSO na ang tanging layunin ay mangalap ng pondo para sa mga medical at charitable projects ng gobyerno.
Kaugnay nito, itinuloy na kahapon ni Alcuaz ang pagsasampa ng kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman laban kay de Leon at iba pang opisyal.
Ang inihaing reklamo ay kaugnay sa pagbibigay ng performance incentive sa mga empleyado ng PCSO na nagkakahalaga ng P12,000 bawat isa nang walang approval ng board.
Base sa reklamo ni Alcuaz, umabot sa P18.9 milyon ang nawala sa pamahalaan dahil sa pagbibigay nito sa mga empleyado.
Kasamang inireklamo ni Alcuaz sina Atty. Anna Liza Palamos, asst. corporate board secretary; Conrado Zabella, asst. general manager for on line lottery; Ma. Paz Magsalin, asst. general manager for administration; Israel Etrella, OIC-asst. general for production and marketing; Betsy Paruginog, asst. general manager for finance, at Shoemart Inc.
Ang P18.9 milyon ay ipinambili umano ng SM gift cheques mula sa Shoemart Inc. ng walang kaukulang bidding at ibinigay ito sa mga empleyado bilang performance incentive. (Ulat ni Malou Escudero)