Ayon sa isang impormante, may dalang sariling mga opisyal si Datumanong.
Kabilang umano sa pinaniniwalaang masisibak sa puwesto ang isang undersecretary ng DOJ at si Undersecretary Manuel Teehankee sakaling matuloy ang plano ni Datumanong na magdala ng sarili niyang undersecretary na kanyang mapagkakatiwalaan.
Posible umanong i-upo bilang DOJ undersecretary kapalit ni Teehankee ay isang kasalukuyang regional trial court judge sa Metro Manila, dating state prosecutor sa DPWH at isang kababayan nitong Muslim.
Kaugnay nito, tuluyan na rin namang natanggal sa puwesto si DOJ Usec. Jose Calida epektibo noong Enero 2 dahil ang pananatili nito sa puwesto ay nakasalalay sa termino ni Perez.
Nabatid na mayroong dalang sariling chief of staff si Datumanong at ito ay si Atty. Lorenzo Sulaic na isa sa mga opisyal nito sa DPWH kaya nangangahulugan ito na mawawala sa posisyon si Atty. Pamela Lazatin-Escobar na chief of staff ni Perez.
Mananatili naman sa kanilang mga puwesto ang iba pang mga opisyal ng DOJ at mga ahensiyang nasa ilalim nito dahil isa umano ito sa mga naging pangako ni Datumanong kay Perez.
Samantala, planong maghain ng courtesy resignation nina Public Attorneys Office (PAO) chief Percida Acosta at Bureau of Corrections (Bucor) director Ricardo Macala subalit sinabihan sila ni Perez na manatili lamang sa kanilang posisyon dahil kaibigan naman niya si Datumanong. (Ulat ni Gemma Amargo)