Namatay habang ginagamot sa AUP Hospital si Joefry B. Andawi, 23, binata at residente ng Brgy. Andaya Southern Tagalog, Baguio city.
Sa ibinigay na report ni Chief Insp. Conrado Gongon, hepe ng pulisya sa bayang ito, bandang alas-8:30 ng gabi ng ipatawag ni cadet 3rd class Jomery Pulquiso ang buong 4th class kabilang ang biktima, upang umanoy bigyan ng instructions sa gagawing courtesy call sa Baguio City.
Bago matapos ang miting ay binigyan ni Pulquiso ang lahat ng kadete ng tig-dalawang palo ng stick sa kamay bago pinalabas ng CR, samantala pinaiwan naman nito ang biktima at isa pang nakilala lamang na si cadet 4th class Wadingan.
Dito na umano binigyan ng tig-isang suntok ang dalawa, si Wadingan sa dibdib at si Andawi sa sikmura.
Matapos pagsusuntukin ay tumalikod na si Pulquiso para lumabas ng banyo at hindi nito napansin na namimilipit na sa sakit ang biktima.
Sa tindi ng naramdamang sakit ay napasubsob ang biktima at humampas sa metal pipe ng nasabing CR ang ulo nito bago muling sumubsob sa isang bowl saka tuluyang nabagok ang likurang ulo nito sa sahig.
Agad naman itong isinugod sa ospital ng kanyang mga kaklase pero namatay din ito.
Base naman sa eksaminasyon ng PNP crime laboratory, namatay dahil sa blood traumatic injury sa ulo si Andawi.
Sinabi ni Chief Insp. Mamerto Bernabe, hepe ng medico-legal, isang matigas na bagay ang ipinalo sa ulo nito sanhi ng kanyang kamatayan.
Gayunman, hindi pa matiyak kung namatay nga ito sa hazing na unang naging anggulo sa imbestigasyon dahil tanging ulo lamang nito ang may tama ng matigas na bagay.
Kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon si Polquiso na hawak ngayon ng mga awtoridad. (Ulat nina Cristina Go-Timbang at Danilo Garcia)