Dismayado umano si Pangulong Arroyo sa pagbagsak ng customs collections nitong nakaraang taon sanhi ng demoralization sa hanay ng mga kawani at brokers bunga na rin ng pagkakapit-tuko sa puwesto ni Virgilio Danao bilang director ng BOC Enforcement and Security Services.
Nauna rito ay nanawagan rin ang mga kawani at brokers sa Pangulo na sibakin sa pinakamadaling panahon si Danao. Hindi umano nagpapakita sa kanyang tanggapan ang nasabing BOC police chief.
Matatandaang noong Sept. 12 ay iniutos ni acting Ombudsman Margarito Gervacio Jr. sa Customs commissioner na tanggalin sa serbisyo si Danao na napatunayang guilty sa kasong dishonesty na isinampa laban sa kanya nina Roseller Rojas at George Agregado.
Napag-alamang pineke umano ni Danao ang kanyang scholastic records at pinalabas na siya ay college graduate samantalang high school lang ang kanyang natapos.
Batay sa court records, noon pang Sept. 26, 2001 nagkaroon ng desisyon ang Administrative Abjudication Bureau ng Office of the Ombudsman na sibakin si Danao sa serbisyo.
Ayon sa sources, ipinagmalaki pa umano ni Danao na hindi siya matatanggal sa puwesto dahil sa suportado siya ng isang malaking religious group na malakas ang impluwensiya kahit sa sinong Pangulo ng bansa.
Subalit, idinagdag ng sources na namumuro na si Danao kay Pangulong Arroyo at malaki ang posibilidad na makabilang si Danao sa mga napatunayang tiwali at "inefficient" na opisyal ng BOC at iba pang sangay ng pamahalaan na sisibakin ng Pangulo sa layuning matamo ang "strong republic."