Ngayong gabi, habang nagpapasiklaban sa kalangitan ang ibat ibang pailaw, gayundin ang nakabibinging ingay ng mga paputok at torotot sa lansangan, ang sambayanang Pilipino ay babati sa New Year ng masaganang handaan sa kanilang mga tahanan.
Ang bawat hapag-kainan ay mapupuno ng hamon, keso de bola at mga ulam gaya ng menudo, morcon, asado, lechon, apritada, relyenong manok, embotido, paella, callos at sopas. Sa gitna nito ay mga prutas na bilog tulad ng mansanas, orange, grapes, melon, pakwan, bayabas, pomelo at iba pa. Paborito namang desserts ay halayang ube, leche flan, yema, pastillas de leche, pastillas de mani, turrones, mazapan, minatamis na langka, garbanzos, mongo at macapuno.
Bukod sa handaan, nakaugalian na rin ang mga "ritual" sa pagsalubong sa Bagong Taon gaya ng paglalagay ng mga barya sa bintana, pagsasabit ng grapes sa pintuan, pagbubukas sa mga bintana, pagsisindi ng lahat ng ilaw at pagbubukas ng mga pintuan para palabasin ang Lumang Taon at i-welcome ang grasya sa Bagong Taon. Kasabihan din ang pagsusuot ng polka dots na mga damit. Nakaugalian na rin na punuin ang mga bigasan, lalagyan ng asukal, asin, kape at iba pang mahahalagang kailangan sa kusina upang maging masagana.
At habang papalapit ang 12-midnight ay uumpisahan nang kalampagin ang mga lata o alkansiya na puno ng mga barya.
Ngayong gabi, muling magtitipon ang bawat pamilya para sama-samang manalangin sa Diyos at magpasalamat sa nakalipas na taon at umasa ng kapayapaan sa darating na Bagong Taon. (Ulat ni Felix delos Santos)