Sinabi ni Presidential Adviser on political affairs Joey Rufino na mas magandang naghahanda ang partido ni Erap upang magkaroon ng magandang laban sa darating na eleksiyon.
Hindi naman kami nababahala, mas maganda nga nagpapalakas sila para naman magkaroon ng mas masayang halalan sa 2004, sabi ni Rufino sa isang panayam sa radio.
Ayon kay Rufino, nananatiling solido ang administration party Lakas-NUCD at si Pangulong Arroyo ang kanilang isasabak sa presidential elections sa 2004. Gayunman, agad kumambiyo ang Malacañang sa ginagawang pagpapalakas ng partido ni Estrada.
Ayon kay Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao, ang nasabing hakbang ng oposisyon ay hindi dapat na makaapekto sa bansa lalo na sa mga mas importanteng hakbang para sa pagpapasigla ng ekonomiya at serbisyo sa publiko lalo na sa Metro Manila at mga liblib na lugar.
Sinabi ni Tiglao na mas iniisip ng Pangulo na pagtuunan ng pansin ang pangangasiwa sa bansa upang maibigay ang pangangailangan ng mamamayan at isantabi muna ang pulitika. (Ulat ni Ely Saludar)