Ito ang inihayag kahapon ni National Bureau of Investigation-Interpol Division chief Ric Diaz matapos na mabatid na naghahangad pa itong makabalik sa bansa sa darating na Enero 2003.
Ayon kay Diaz, hindi papayagan ng FBI na makalabas ng US si Jimenez dahil sa posibilidad na muling makatakas ito at tuluyan nang hindi magpakita.
Binanggit pa nito na napakaraming hearing na itatakda kay Jimenez kung kayat malabo na itong makabalik kahit na bakasyon lamang sa Pilipinas.
Si Jimenez ay may mga kasong tax evasion, mail fraud at illegal campaign contributions sa US. Kapag napatunayang nagkasala, limang taong makukulong ang kongresista.
Samantala, tahimik naman ang Malacañang sa banta ni Jimenez na ang kanyang extradition sa Amerika ay hindi magiging daan para itikom niya ang bibig sa pagbubulgar ng nalalaman niyang mga anomalya sa gobyerno.
Bago umalis ng bansa si Jimenez noong Huwebes ng gabi, sinabi nito sa mga mamamahayag na intensiyon niyang magbalik sa Pilipinas.
"This is just the beginning. I shall return. They cannot silence me. If they think this is the last time they will hear from me, they are dead wrong," ani Jimenez kasabay ng pahayag na magtatatag siya ng isang research firm na iuukol ang panahon sa pagbubulgar ng mga krimeng kagagawan ng mga opisyal ng gobyerno laban sa sambayanang Pilipino. (Ulat nina Grace dela Cruz/Lilia Tolentino)