Reaksiyon ito ng Palasyo sa pagbabago ng isip ni Jimenez na ayaw na nitong umalis sa itinakdang Disyembre 26 at sa halip ay sa Enero 2 sa susunod na taon.
Ayon kay Press Secretary Ignacio Bunye, ipatutupad ang batas kay Jimenez patungkol sa extradition kung hindi ito kusang aalis sa bansa dahil nagkaroon na ng kasunduan sina Jimenez at ang mga awtoridad sa boluntaryo nitong pag-alis pabalik ng Amerika.
Ayon naman kay Senate President Franklin Drilon, hindi si Jimenez ang magtatakda ng kanyang pag-alis kundi ang korte at gaya ng napagkasunduan ay pinapayagan lamang siya na manatili sa bansa hanggang Disyembre 26 upang makapiling nito ang kanyang pamilya sa araw ng Pasko.
Magugunita na biglang nagbago ang isip ni Rep. Jimenez at sinabing baka palawigin pa niya ang pananatili sa bansa sa sandaling makabalik si Justice Secretary Hernando Perez sa DOJ.
"I would rather be dead than see Nani Perez reappointed. If he is back in the Cabinet then my family wont be redeemed," wika ni Jimenez.
Wika pa ng kongresista, minamadali din ng gobyerno na makaalis kaagad siya upang patahimikin ito kaugnay sa ibinunyag niyang pagkakaloob ng P18 milyong donasyon kay First Gentleman Mike Arroyo.
Sa kabila ng mahigpit na pagtutol ni Jimenez sa pagbabalik ni Perez sa DOJ, sinabi ni Bunye na wala sa kamay ng kalihim ang desisyon sa kapalaran ni Jimenez kung kayat hindi dapat itong makialam sa nasabing usapin. (Ulat nina Ely Saludar at Rudy Andal)