Kinilala ang isa sa mga pinarangalang sundalo na si 2nd Lt. Arcadio Mayor ng Philippine Army na namuno sa mga elemento ng Combat Company, 1st Regular Division ng USAFFE bilang "rear guard action" laban sa pananakop ng puwersa ng mga Hapon sa Lucban, Quezon sa kasagsagan ng World War II noong Disyembre 26, 1941.
Ang pagiging isang magiting na kawal ni Mayor ay nailimbag sa aklat ng kasaysayan ng bansa subalit ngayon lamang ito pormal na nabigyan ng recognition o pagkilala ng AFP.
Si Mayor ay ginawaran ng Gold Cross medal na tinanggap naman ng kapatid nitong si Gaudencio Mayor.
Wika ng pamilya ni Mayor, kung nabubuhay pa umano ito ay tiyak na wala rin itong pagsidlan sa kagalakan dahil sa karangalan.
Kabilang pa sa tumanggap ng parangal ay mula sa hanay ng lokal na opisyal, sibilyan, CAFGU at iba pang personnel at unit ng AFP. (Ulat ni Joy Cantos)