Internet porno sa Makati sinuyod

Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang internet operator at anim na kababaihan na pawang nakahubo’t hubad matapos na maaktuhan na gumagawa ng kahalayan habang nakaharap sa isang camera na nakakonekta sa internet sa isinagawang pagsalakay sa Makati City.

Kinilala ni NBI Director Reynaldo Wycoco ang internet operator na dinakip na si Agnes Dapdap, residente ng #13 Makati Ave., nabanggit na lungsod at ang dalawang kasama nito na pinaghahanap na sina Chris Cole, alyas Antonio Lopez at Luisito Reambonansa, alyas Chito.

Samantala, pawang mga walang saplot sa katawan ng arestuhin sina Mary Ann Maquiras, ng Makati Ave.; Renalie Macedonio ng Talaba, Bacoor, Cavite; Shiela Salinas ng Makati; Rosana Vallejo ng Makati; Pinky Paler ng Makati at Analyn Dionisio ng Pampanga.

Nabatid na ang raid ay bunsod ng reklamong ipinarating sa NBI-Special Action Unit hinggil sa operasyon ng naturang internet porno. Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Makati Regional Trial Court Branch 141 Judge Manuel Victorio ay pinasok ng mga ahente ng NBI ang isang bahay sa #13 Makati Avenue, San Lorenzo village, Makati City.

Napag-alaman na malaki umano ang kinikita ng mga internet operator sa mga subscriber na pawang mga kalalakihan dahil napapanood ng mga ito sa pamamagitan ng on-line chatting ang mga babaeng hubo’t hubad na nauutusan ring gumawa ng kabastusan depende sa kahilingan ng subscriber.

Ayon sa NBI, nakakonekta umano ang camera sa internet na ino-operate ni Dapdap at nakikita ng mga subscriber ang pagsasayaw ng hubad at paggawa ng kahalayan ng mga babae.

Nakumpisa sa naturang raid ang ilang set ng computer na may video camera at iba pang aparato na ginagamit sa on-line chatting kung saan idinadaan ang mga malalaswang panoorin. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments