Sa ginanap na turn-over ceremony kay acting DOJ undersecretary Merceditas Gutierrez, ibinulgar ni Perez na base sa kanyang natanggap na unverified information mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) posibleng sangkot si Jimenez sa drug smuggling sa Amerika dahil ng makausap niya noon si FBI director Robert Mueller matapos itong magtungo sa Pilipinas at kanyang tinanong ang pinanggagalingan ng kayamanan ni Jimenez, tiniyak umano ni Mueller kay Perez na malabong nanggaling lamang sa pagbebenta ng mga computers ang salapi ni Jimenez dahil sobra ang laki ng kayamanan nito.
Nilinaw umano ni Mueller na "tip of the iceberg" pa lamang ang mga kasong naghihintay kay Jimenez sa Amerika na kinabibilangan ng tax evasion, illegal campaign contribution at wire fraud kaya nangangahulugan lamang na may mas mabibigat na kaso pa ito dahilan upang takot ang kongresista na masipa palabas ng bansa.
Subalit hindi naman direktang tinukoy ni Perez na sa droga nag-ugat ang kayamanan ni Jimenez dulot ng mga transaksiyon nito sa Uruguay at Columbia na sinasabing drug capital sa Latin Amerika.
Bukod dito, maging ang ilang Supreme Court (SC) associate justices ay kinumpirma na mayroon silang natanggap na impormasyon tungkol sa pagkakasangkot ni Jimenez sa drug smuggling sa Amerika.
"Kung natatandaan ninyo dumating dito ang FBI director na si Mueller, tinanong ko kung bakit ganoon na lamang ang interes ninyo kay Mario Crespo (tunay na pangalan ni Jimenez). Kailangan siyang i-extradite dahil mayroon siyang kaso sa US. Kung balewala ito bakit siya kailangan magtago, kailangan niyang harapin ito," ayon kay Perez.
Samantala, kakasuhan ngayong araw na ito ni Perez ng multiple libel sina Bulacan Rep. Willie Villarama at Jimenez dahil umano sa ginawang paulit-ulit na pagsira sa kanyang pangalan. (Ulat ni Gemma Amargo)