Kasama ng Pangulo sa kanyang pag-alis sina First Gentleman Mike Arroyo, Foreign Affairs Secretary Blas Ople, Economic Planning Secretary Dante Canlas, Trade Secretary Mar Roxas, Finance Secretary Isidro Camacho at Press Secretary Ignacio Bunye.
Ayon sa Malacañang, mahalaga ang pagbisita ng Pangulo sa Japan dahil ito ang maglulunsad ng isang bagong pagtutuwang ng dalawang bansa sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon.
Ito ang kauna-unahang state visit ng Pangulo sa Japan na una nang binisita ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1993.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Japan Domingo Siazon na ang magiging tampok sa pagdalaw ng Pangulo sa Tokyo ay ang pagtatalumpati nito sa Japanese Diet (parliyamento) sa Disyembre 3.
Ayon kay Siazon na pili lamang ang lider sa daigdig ang iniimbita para magtalumpati sa Japanese Diet at dito ay kabilang na nagsalita na ay sina US President George W. Bush,dating US President Bill Clinton, dating German Chancelor Helmut Kohl, Nobel Peace Prize Laureate Nelson Mandela ng South Africa at si dating Pangulong Carlos Garcia ng Pilipinas.
Bukod sa pagtatalumpati sa Diet ay dadalaw din ang Pangulo at First Gentleman sa Japanese Emperor at Empress sa Imperial Palace at dito ay hahandugan sila ng state dinner. (Ulat ni Lilia Tolentino)