Sa panibagong bombshell na ibinulgar kahapon ni Jimenez sa ginanap na forum kahapon sa Ciudad Fernandina sa Greenhills, San Juan, sinabi ng solon na nakunan umano sa video tape si Perez sa pagtungo nito sa nasabing bangko bagaman tumanggi itong idetalye kung sa mismong safety vault nakunan ng footage ang kalihim.
Ayon kay Jimenez, maraming beses na umanong nagtungo si Perez kasama ang umanoy bagman nitong si Ernest Escaler, vice president ng Phil. Commercial International Bank sa HK, simula Pebrero hanggang Abril 2001.
Ibinulgar rin ni Jimenez na nagpapagawa na siya ng special power of attorney para kung anuman ang mangyari sa kanya ay may magpupursige ng kaso.
Kasabay nito, hinamon ni Jimenez ang administrasyon na gamitin ang Mutual legal Assistance Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Hong Kong upang mabuksan ang account na sinasabing pinaglagakan ng $2-M kinikil umano sa kanya ni Perez.
Ayon kay Jimenez, nasa HK na ang kanyang mga abogado upang hintayin ang mga representante ng Pangulo para sa pagbubukas ng account sa Coutts Bank.
Nabatid na ang nasabing $2-M ay nagmula sa isang bangko sa Uruguay at napunta sa Chase Manhattan Bank sa New York City bago pa man mapunta sa Coutts Bank account no.400-9222932 sa HK na umanoy nasa pangalan ni Perez.
Ang tanging gagawin na lamang umano ni Pangulong Arroyo ay ipadala ang naturang agreement, pirmahan at ipag-utos sa NBI at iba pang govt lawyers na magtungo sa HK.
Sa ilalim ng kasunduan, pumayag ang dalawang bansa na magkaroon ng kooperasyon sa pagkuha ng ebidensiya laban sa kasong pinanghahawakan ng isang bansa. (Ulat nina Joy Cantos/Malou Escudero)