Bus nahulog sa bangin: 33 patay, 6 kritikal

TAGKAWAYAN, Quezon – Umaabot sa tatlumpu’t-tatlong katao ang nasawi habang anim na iba pa ang nasa kritikal na kundisyon matapos ang kanilang sinasakyang pampasaherong bus ay mahulog sa may 30 talampakang lalim na bangin kahapon ng madaling araw sa Barangay San Vicente ng bayang ito.

Batay sa ulat, ang Falcon Bus Liner na nagmula sa Ali Mall, Cubao station ay bumibiyahe patungong Masbate ay nahulog sa bangin nang mawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang driver na si Norberto Capillanes na kasama sa nasawi.

Ayon kay SPO4 Efren Garcia, deputy chief of police, na hinihinala nito na hindi gumana ang brakes ng bus na may body number 9998 at plakang AVK-125 habang binabagtas nito ang kahabaan ng Quirino Highway patungong Bicol at bumangga sa kanang bahagi ng mga nakaharang sa kalye bago tuluyang nahulog sa bangin dakong alas-12:30 ng madaling araw.

Habang nahuhulog umano ang bus ay humiwalay ang makina at chassis nito na siyang umararo sa mga pasahero na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Bukod kay Capillanes, ang 23 nasawi ay nakilalang sina Eleazar Gegante; Alexander Rico; Andres Tolentino; Jose Ibañez Sr.; Leuterio Quillopas; Romulo Adigue; Rudy Lopez; Arturo Rosero; Jeffrey Magdael; Lucy Lipanan; Jonathan Aganan; Policarpio Tamaso Jr.; Bonifacio Tamaso; Yolanda Lopera; Amanda Adecer; Rosalio Adigue; Lando Adicer; Teddy Dimabasa; Philip Merioles; Josefa De Jesus; Naning Esparilla; Elsie Sy at Virginia Laurio.

Hinihintay pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng siyam pang nasawi.

Ang mga nasawi ay nakalagak ngayon sa Sta.Cecilia Funeral Homes sa Poblacion at Rofiles Funeral sa Brgy. Sta.Cecilia dito.

Tatlo sa anim na nakaligtas na pawang nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ay nakilalang sina Fredie Lorica, Edwin Fuentes at isang nagngangalang Onofre, habang inaalam pa ang pangalan ng dalawang bata at isang matanda. (Ulat nina Tony Sandoval, Ed Amoroso, Francis Elevado at Arnell Ozaeta)

Show comments