24 Pinoy nasagip sa lumubog na tanker ship

Dalawamput-apat na Pinoy seamen ang nakatakdang magbalik sa bansa matapos na sila ay masagip sa North Atlantic Ocean nang lumubog ang kanilang tanker ship, ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ang mga ito ay nakilalang sina Benjamin Castro, Leonilo Cominador, Ernie Mendiola, Joseph Christopher Aloro, Eriberto Borlaza, Christopher Descartin, Ramon Ramirez, Edilberto Batomalaque, Romeo Romines, Jessie Basalo, Walter Cueto, Nicolas Silhay, Raymond Viray, Efren Pajam Jr., Ireneo Maloto, Romeo Yaoyao, Alvaro Escabusa, Roger Apalit, Jose Carmelotes, Nelson Leonard Mortalla, Murphy Mejias, Jose Elly Bedia, Airon Jenelli Valladares at Roberto Mana.

Ang mga seamen ay pansamantalang itinira sa isang hotel sa La Coruna, Spain at nasa mabuting kalusugan.

Batay sa report ng embahada ng Pilipinas sa Athens, Greece na sakay ang mga Pinoy sailors ng MT Prestige na pag-aari ng Mare Shipping Lines at nakahingi ng tawag bago ito ay tuluyang lumubog noong Nobyembre 14.

Dumating sa lugar ang isang helicopter at isa-isang iniligtas ang mga ito mula sa dagat. (Ulat ni Aurea Calica)

Show comments