Naubos ang oras sa pagpapatuloy ng pagdinig ng plunder case sa Sandiganbayan Special Division sa ginawang cross examination ng mga abogado ng dating pangulo kay Maria Caridad Manahan-Rodenas, cashier ng Land Bank of the Philippines-Shaw Blvd. branch.
Si Rodena ang nagproseso nang pagwi-withdraw nina Alma Alparo, Eleuterio Tan at Delia Rajas ng salapi mula sa tobacco excise tax.
Ayon kay Assistant Ombudsman Dennis Villa Ignacio, nagtagumpay ang depensa sa kanilang delaying tactics at sadya aniyang tinagalan ng depensa ang cross-examination kay Rodenas.
Halata umanong takot ang mga abogado ni Estrada sa magiging testimonya ni Ocampo kaya pinatatagal pa nila ang pagsasalang sa dating senior vice president ng Equitable PCI-Bank.
Pero sinabi naman nina retired Sandiganbayan Presiding Justice Manuel Pamaran at Atty. Prospero Crescini na karapatan ng depensa na isalang sa cross-examination ang isang akusado o testigo kahit pa magresulta ito sa pagkaantala ng presentasyon ni Ocampo. (Ulat ni Malou Escudero)