Ayon kay Senior State Prosecutor Archimedes Manabat, wala pa silang isinasampang kaso laban kay Strunk bagkus ay isinasailalim pa nila sa evaluation ang lahat ng dokumento at ebidensiyang naisumite sa DOJ.
Wika pa ni State Prosecutor Manabat, kahit hindi nakapagsumite ng counter-affidavit ang mga abogado ni Strunk sa itinakdang extension ay maaari namang gamitin ang mga naunang mga testimonya nito gaya ng inihain nitong motion to dismiss at sworn statement noong Disyembre 12, 2001 na itinanggi ang kanyang pagkakasangkot sa pagpatay sa kanyang maybahay.
Ipinaliwanag pa ni Manabat, mali ang pag-aakalang awtomatikong isasampa nila sa Pasig Regional Trial Court ang kaso ni Strunk matapos mabigo itong maghain ng kanyang counter-affidavit sa itinakdang oras.
Aniya, puwedeng i-convert na counter-affidavit ang anumang motion to dismiss petition ni Strunk tulad ng ginawa din ng suspect sa Nida Blanca slay na si Philip Medel Jr. na hindi nagsumite ng counter-affidavit pero naghain ng mosyon na nagtatangging may kinalaman siya sa kaso. (Ulat ni Rudy Andal)