Ito ang mariing buwelta kahapon ng isang mataas na opisyal ng PCG na tumangging magpabanggit na pangalan.
Ayon sa opisyal, ang kinukuwestiyon na nabiling K-9 dogs ng kanilang tanggapan ay higit na mura pero may kalidad kung ikukumpara sa "super expensive dogs" ng AFP at PNP.
Sinabi nito na sa kasalukuyan ang PNP ay nakatakda pang bumili ng 100 bagong K-9 dogs na nagkakahalaga ng P2.5M bawat isa o kabuuang P250M.
Naniniwala ang opisyal na ang biglaang pagkukuwestiyon sa kanilang biniling K-9 dogs ay naglalayong sirain ang reputasyon ng Zemog na siyang training center kung saan nabili nito ang naturang mga aso.
Sinabi ng source na ang Zemog ay accredited at 43 taon na itong nagbebenta at nagtuturo sa mga K-9 dogs.
Bagaman inamin ng opisyal na hindi dumaan sa public bidding ang kanilang pagbili ng aso dahil emergency ang ginawang pagbili kaugnay na rin ng kampanya sa terorismo, ipinaliwanag naman ni PCG Commandant Admiral Ruben Lista na dumaan naman ito sa canvass bidding at ang pinakamura sa market ang siyang binili.
Bahagi umano ng kanilang package ay ang Zemog ang mangangalaga dito at magsasailalim sa iba pang mga training. Sakaling hindi matupad ang nakapaloob sa kontrata ay maari din itong ibalik sa pinagbilhan.
Matatandaan na kinuwestiyon ni Sen. Ramon Magsaysay Jr. ang pagbili ng PCG ng K-9 dogs na nagkakahalaga ng P6.5M. Nabatid na ang Philippine Ports Authority ang bumili ng 14 na K-9 dogs gamit naman ang sarili nitong pondo. (Ulat ni Joy Cantos)