Dalawa sa mga suspek ang positibong kinilala ng mga kapitbahay na dumalo sa 58th birthday celebration ng biktimang si Arturo Eufemia, dating taxi driver, sa bahay nito noong nakaraang Sabado ng gabi.
Kinilala ni Antipolo City chief of police, P/Supt. Jose Dayco, ang lider ng grupo na si Rolando Velasco, 36, sinasabing pinuno ng kilabot na Bisaya/Bicol robbery gang na siya umanong nagplano sa pagpaslang sa biktima.
Naaresto rin ang mga kasama nitong sina Samuel Giba, 40; Luisito Caindoy, 20; Aurelio Omega, 51; Lito Aparico, 43; Joselito Ros Borres, 39; Eric Peñaloza, 24; Noel Pinioso, 30; Francisco Aregue, 26, na pawang nasakote sa Townville at El Dorado sa Brgy. San Jose at Renato Rasonado, 23, na nasakote sa Sitio San Rafael, Brgy. Mambugan ng lungsod na ito.
Sa presinto, nagturuan pa sina Velasco at Aregue na utak sa pagnanakaw at pagpatay kay Eufemia.
Nabawi sa pag-iingat ng mga suspek ang tinangay na bagong biling beige Toyota Grandia Hi-Ace van ng biktima. Ang van ay nagkakahalaga ng P1.3 milyon.
Nakuha rin sa mga suspek ang isang attache case na walang lamang pera kundi bungkos ng mga dokumento.
"Puro papel ang laman.Kuwarta na naging bato pa," pahayag ng isa sa mga suspek sa isang panayam.
Nakasamsam rin ng kalibre .45 baril na may pitong bala, improvised home-made shotgun at isang Beretta gun.
Ayon sa Antipolo police, isang tipster ang nagturo sa mga awtoridad sa lugar na pinagtataguan ng mga suspek matapos na makita nito na nakaparada sa harapan ng suspek na si Guiba ang nawawalang van na may conduction sticker 63XLE.
Naghinala rin ang tipster sa kilos ni Velasco matapos nitong mapuna ang sugat sa kanang balikat ng suspek.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bago napaslang ang biktima ay nagawa pa nitong iputok ang kanyang kalibre .45 baril na siyang tumama sa balikat ni Velasco. Ang bala ay nakabaon pa rin dahil tumangging magpa-opera sa ospital si Velasco sa takot na ma-trace siya. Nangingitim na rin ang balikat nito dahil hindi pa naaalis ang bala.
Agad pinuntahan ng grupo ni SPO1 Felipe Matias ang bahay ni Giba at inaresto ito, kasama sina Pinioso at Velasco dakong alas-11 ng gabi nitong Miyerkules. Ikinanta naman ng mga ito ang kanilang mga kasama at nadakip ang pito pa. Ang serye ng raid ay natapos bandang alas-4 ng madaling araw kahapon.
Tinangkang pumalag ni Aregue ng bunutin nito ang kanyang kalibre .45 at magpaputok, pero ng matunugan na napapalibutan na sila ay sumuko na rin ito.
Sina Velasco at Aregue ay kabilang sa mga bisita sa kaarawan ni Eufemia noong nakaraang Oktubre 26 sa bahay nito sa Nazareneville subdivision sa Brgy. San Roque.
Ilan umano sa mga suspek ay nakainuman pa mismo ng mga karpintero na gumagawa sa bahay ni Eufemia.
Naniniwala ang pulisya na natunugan ng mga ito ang pagkapanalo ng P19 million ng biktima kaya posible umanong ng dumalo sa party ang mga ito ay pinag-aralan na ang bahay ng biktima saka plinano ang pagpaslang.
Unang inamin ng biktima na ang kanilang instant money ay nanggaling sa komisyon sa pagbebenta ng lupain.
Subalit sa report ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ang Oct 12 lotto draw prize ay kinubra ng isang babae mula sa Nazareneville sa Brgy. San Roque, Antipolo City.
Nabatid na bumili ng litsong baka at apat na litsong baboy ang biktima na kanyang inihanda sa mga bisita noong Sabado. Inabot ng Linggo ng umaga ang kasayahan.
Linggo ng gabi ay muling nagpainom ang biktima sa likuran ng bahay nito at natapos ang inuman dakong ala-una ng madaling araw ng Lunes.
Nang umuwi na si Eufemia sa bahay nito, anim sa mga suspek na sina Aregue, Velasco, Penalosa, Pinioso, Giba at Ros ang sumunod sa kanya habang lookout naman ang iba pa.
Nakipagbarilan umano ang biktima gamit ang bagong biling kalibre .45 at tinamaan niya si Velasco, pero isa sa mga suspek ang pinaputukan siya ng 3 beses sa katawan na agad niyang ikinamatay.
Kinuha ng mga suspek ang itim na attache case sa cabinet at tumakas sakay ng walang plakang Grandia.
Hindi naman sinaktan ang anak ng biktima na si Renan matapos magmakaawa.
Samantala, ang asawa ng biktima na si Leticia, 52, ay nakatakdang lumantad na sa pulisya para linisin ang kanyang pangalan sa pagkakadawit sa pagpatay sa kanyang mister.
Itoy matapos kumalat ang balita na ipinapatay umano ni Leticia ang kanyang asawa para masolo ang milyong pera.
Si Leticia at anak na si Melanie ay umalis ng kanilang bahay bago naganap ang pagpaslang dahil may umaaligid umanong mga armadong lalaki sa kanilang tahanan. Nang mapatay ang kanyang asawa ay hindi ito nagpakita sa katwirang baka bumalik ang mga salarin at muling sumalakay.
Nangako naman itong papasailalim sa imbestigasyon.
Base pa sa isinagawang beripikasyon ng Antipolo City police, si Velasco ay sangkot rin sa serye ng bank robbery kabilang na ang panloloob sa Security Bank sa Brgy. Masinag na natangayan ng P1.5 milyon may isang buwan na ang nakalilipas.
Kasalukuyan nang sumasailalim sa tactical interrogation ang grupo ni Velasco na nakapiit ngayon sa Antipolo police detention cell habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga ito. (Ulat nina Joy Cantos at Non Alquitran)