Inatasan ng Pangulo si RP Ambassador to the US Albert del Rosario na tingnan ang problema ng mga Fil-Am dito upang masagip sa pagkawala ng trabaho.
Ang kautusan ng Pangulo ay kanyang ipinalabas kaugnay ng umanoy batas na dapat ipatupad ng US aviation na alisin ang mga hindi American citizen na nagtatrabaho sa mga paliparan sa California.
Umapela ang Pangulo na pangunahing konsiderasyon ay ang kuwalipikasyon at hindi citizenship ng mga manggagawa.
Pinatutulong ng Pangulo ang National Federation of Filipino Association sa mga Fil-Am na manggagawa upang magsampa ng kaso partikular ng injunction upang mapigil ang pagsibak sa mga ito.
Samantala, nalusutan ng mga militanteng grupo ang higpit ng seguridad ng Secret Service at ng San Francisco Police sa pagbibigay ng seguridad sa Pangulo.
Ito ay matapos na makapasok sa lugar na pinagdadausan ng pagtitipon ng Pangulo at Filipino community dito sa San Francisco.
Habang nagtatalumpati ang Pangulo ay biglang itinaas ng mga militanteng grupo ang kanilang mga streamer na nagsasaad ng kanilang pagkondena sa US.
Pansamantalang itinigil ng Pangulo ang kanyang talumpati ng magsigawan ang mga militanteng grupo na pawang kabataang Fil-Am.
Agad namang pinalabas ng mga pulis ang mga ito at inaresto ang anim, pero bilang kagandahang loob ng Pangulo ay kanyang hiniling na agad palayain ang mga ito. (Ulat ni Ely Saludar)