Sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez na makikita sa pamumuhay ng mga babaerong pulis kung sobra ang kinikita ng mga ito bukod sa tinatanggap nilang suweldo kaya dapat silang kasuhan o sibakin sa puwesto.
Naniniwala ang DOJ chief na tumatanggap ng mga kotong money o payola ang mga pulis na mayroong mga kabit dahil hindi sapat ang kanilang sahod kung mayroon silang mahigit sa isang pamilya.
Dahilan dito kaya dapat lamang na busisiin ang Statement of Assets and Liabilities (SAL) ng mga ito bunsod na rin sa mga katiwalian at iregularidad na kanilang kinasasangkutan.
Sa kasalukuyan ay sumusuweldo ang mga ordinaryo at baguhang pulis tulad ng ranggong Police Officer 1 (PO1) ng P8,000 at allowance na umaabot sa P4,000.
Hindi lamang mga pulis kundi pati mga kawani ng gobyerno ay isasama rin sa pagbusisi ng kanilang mga kayamanan.
Kabilang sa mga iimbestigahan sina NBI director Reynaldo Wycoco, BIR Commissioner Andrea Domingo, Bureau of Corrections director Ricardo Macala, Land Registration Authority administrator Benedicto Ulep at Solicitor General Alfredo Benipayo.
Binigyan ang mga ito ng hanggang bukas, Oktubre 30 para isumite ang kanilang mga SAL sa nakalipas na 3 taon at direktang ihahain sa tanggapan ni PACG chief Dario Rama.
Nagpalabas na si Perez ng DOJ circular na nag-aatas sa mga pinuno ng DOJ at iba pang ahensiyang nasa ilalim nito na maisama rin sa isasagawa niyang lifestyle check. (Ulat ni Gemma Amargo)