Kolehiyo, unibersidad inalerto sa terorista

Inalerto kahapon ng Commission on Higher Education (CHED) ang lahat ng kolehiyo at unibersidad sa bansa na paigtingin ang kanilang seguridad bunga na rin ng pangambang maging sentro ito ng pag-atake ng mga terorista.

Sinabi ni CHED director Roger Perez na ipa-inspeksiyon ang mga gamit at iba pang dala-dalahan ng lahat ng pumapasok sa mga campuses.

Ang kautusan ay kasunod ng report ng Philippine National Association of School Security Organization (PHILNASSO) na ikinokonsidera bilang mga "high risk" ang limang unibersidad sa bansa na kinabibilangan ng University of the Philippines (UP), Polytechnic University of the Philippines (PUP), University of the East (UE), University of Sto. Tomas (UST) at Far Eastern University (FEU) dahil marami umanong mga militanteng estudyante dito na maaring kasangkapanin ng mga terrorist groups sa paghahasik ng karahasan tulad ng pambobomba.

Nabatid kay Perez na ngayong enrollment para sa 2nd semester ay marami ang dumadagsa sa mga kolehiyo at unibersidad kaya dapat umanong magmatyag at maghigpit ang mga security guards dito.

"We can never be too lax when it comes to protecting the students. These report should not be taken lightly. Schools, universities and colleges should start beefing up their security guards to be able to protect their students," pahayag ni Perez.

Una rito, napaulat na posibleng targetin ng pag-atake ng mga terorista ang nasabing mga unibersidad dahil marami ang mga militanteng estudyante ang nagsisipag-aral dito.

Sa panig naman ng mga estudyante ay dapat lagi umanong naka-pin ang mga ID ng mga ito sa kanilang uniporme o di kaya naman ay nakasabit para madaling madetermina ng mga security guards ang lehitimong mga estudyante.(Ulat ni Joy Cantos)

Show comments