Ang makabuluhang mga programang isinusulong ni Belmonte ay binigyang pagkilala ng Pangulo sa isang talumpati sa seremonya ng pagpaparangal sa mga natatanging mamamayan ng Quezon City bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-63 anibersaryo ng pagkatatag ng Q.C.
Partikular na binanggit ng Pangulo ang patuloy na pagsisikap na ginagawa ni Belmonte para matugunan ang problema ng kahirapan na inilunsad nito mula nang maupong Mayor noong nakaraang taon.
Mula nang maupong Mayor si Sonny Belmonte, sa maikling panahon lamang ay natugunan niya ang mga problema sa siyudad. Sa ilalim ng malakas na Republika, kailangan lamang na maging mapanlikha ang isang pamahalaang local at nakita natin ito sa Quezon City, anang Presidente.
Partikular na binanggit ng Pangulo ang mga positibong resulta ng pagsisikap ng Quezon City Mayor sa kabila ng pangyayaring kapos ang pondo para malutas ang problema sa mga squatter.
Ang hamon anya kay Belmonte ay malutas ang problema ng kahirapan sa siyudad dahil sa malaki ang siyudad at ang malaking bahagi ng mga residente dito ay mahihirap. Kung anuman anya ang imahen ng Quezon City, ito ang imahen ng buong bansa dahil ito ang siyang pinakamalaking siyudad sa buong Pilipinas.
Binigyang kredito rin ng Pangulo ang suportang ipinagkaloob ni Belmonte noong panahong Speaker pa sa Congress. (Ulat ni Lilia Tolentino)