Sinabi ni Sen. Pimentel, dapat sipain sa puwesto si PNP-Intelligence chief, Chief Supt. Jaime Caringal kasabay ang pagbalasa sa buong puwersa nito dahil palpak umano sa pagkalap ng mga impormasyon hinggil sa mga plano ng mga grupong nasa likod ng serye ng pagpapasabog sa Mindanao.
Aniya, ang pagkabigo ng PNP Intelligence Group na matiktikan ang ginawang pagpapasabog sa Kidapawan, North Cotabato na ikinasawi ng walo katao ay malinaw na kapabayaan ng mga ito sa tungkulin.
Ipinaliwanag pa ni Pimentel na dapat ay magkaroon din ng istriktong accounting sa intelligence fund ng PNP kung paano nila ito ginagamit upang masubaybayan ang mga grupong nagnanais manggulo sa bansa.
"Hindi ako magsusulong para bawasan ang intelligence funds ng PNP pero dapat ay magkaroon ng strict accounting dito kung paano nila ginagastos ang kanilang pondo para makakalap ng impormasyon sa mga grupong nais maghasik ng kaguluhan sa bansa," wika ni Pimentel.
Ipinunto naman ng senador na kaya si Caringal lang ang nais niyang masibak sa tungkulin at hindi ang ISAFP chief na si Col. Victor Corpuz ay dahil ang mga naganap na pagsabog sa Mindanao ay police works. (Ulat ni Rudy Andal)