Sinabi ni Sen. Magsaysay, inihain niya ang Senate resolution 453 upang magsagawa ng pagdinig ang Senate committee on transportation kaugnay sa posibilidad na pag-alis ng suspensiyon sa pagbibigay ng prangkisa sa mga FX taxis sa bansa.
Ayon kay Magsaysay, ang patuloy na suspensiyon sa pagkakaloob ng prangkisa sa mga FX taxis ay hindi nakakatulong sa gobyerno at taumbayan.
Aniya, karamihan sa mga nagmamaneho at nagmamay-ari ng mga asian utility vehicles (AUVs) na ito ay mga natanggal sa trabaho o nakakuha ng separation pay at minabuti nilang bumili ng FX upang maipasada nila pero dahil sa suspensiyon ng DOTC at LTFRB para sa prangkisa nito ay iligal silang namamasada.
Ayon naman sa Confederation of FX-Highlander Van Operators and Drivers Association ay napipilitan ang mga FX drivers na maglagay sa mga tiwaling tauhan ng DOTC at LTFRB upang hindi lamang sila mahuli kapag namamasada. (Ulat ni Rudy Andal)