Ito ang tiniyak kahapon nina PNP chief Hermogenes Ebdane at NBI director Reynaldo Wycoco matapos magpatawag ng pulong si acting Chief Justice Josue Bellosillo.
Nagkasundo ang nasabing mga opisyal na magtutulungan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat opisyal ng hudikatura laban sa mga pananakot at karahasan katulad ng nangyari kay Judge Uson ng Tayug Regional Trial Court sa lalawigan ng Pangasinan.
Matatandaan na si Uson ay pinagbabaril hanggang sa mapatay noong Sabado matapos umano itong magpalabas ng hatol na hindi pabor sa ilang tao o personalidad.
Nabatid na ipinatawag ni Bellosillo ang dalawang opisyal dahil sa pangamba na maraming huwes ang nabibingit ang buhay dulot ng kanilang mga desisyon na hindi pumapabor sa kagustuhan ng ilang partido sa kaso.
Kabilang sa napagkasunduan ang pagbibigay ng security personnel sa oras na kailangan ng isang judge o justice na mayroong natatanggap na death threats.
Bukod pa dito ang pagbibigay ng telephone numbers ng PNP at NBI officials na maaaring tawagan ng isang huwes sa oras na nanganganib ang kanyang buhay.
Tiniyak naman ni Wycoco na nakahanda ang kanyang tanggapan na tumulong sa paglutas sa pagpatay kay Uson upang papanagutin ang mga salarin nito sa lalong madaling panahon. (Ulat ni Gemma Amargo)