Ayon kay Perez, nagpapasalamat siya at tinanggap ni Wang ang kanyang pagkakamali, gayundin naman umano siya dahil tinanggap niya ang pagkakamali ng ambassador.
Sinabi pa ng kalihim na wala siyang personal na hinanakit at galit kay Wang sa kabila ng ginawang pambabastos sa kanya at panunumbat nang bigyan siya ng huli ng mooncake.
"Im willing to eat now his mooncake, may ibibigay din ako sa kanyang regalo na isang vase," ayon kay Perez.
Samantala kahit nagbati na ang dalawa ay hindi pa rin umano iaatras ni Perez ang kahilingan nito kay DFA Secretary Blas Ople na ideklarang persona non grata si Wang at ipauubaya niya sa huli ang magiging desisyon nito kung sisipain palabas ng bansa ang ambassador.
Nakatakda namang magtungo bukas sa Palawan si DOJ Chief State Prosecutor Jovencito Zuno upang dumalo sa gaganaping pagbasa ng sakdal sa may 122 Chinese poachers na sinampahan ng kasong kriminal dahil sa iligal na pangingisda sa Palawan.
Sakaling mag-plead ng guilty ang 122 mangingisda ay inaasahang pakakawalan ang mga ito sa susunod na linggo matapos na maayos at maibigay ng kanilang pamahalaan ang iba pang hinihinging requirements para sa kanilang kalayaan.
Kabilang dito ang pagbabayad ng multang P244,000 o P2,000 kada isang tao at karagdagang $50,000 multa dahil sa "poaching."
Ang anim namang fishing boats na nakumpiska sa mga Chinese fishermen ay mananatili sa Palawan bilang mga ebidensiya. (Ulat nina Ellen Fernando/Gemma Amargo)