Sinabi ni Sen. Biazon, vice chairman ng Senate committee on national defense and security na dito malalaman ng publiko na epektibo ang ginamit na formula ng gobyerno ng iligtas nito ang dalawang anak ni Negros Occidental Rep. Jules Ledesma.
Ayon kay Biazon, dapat patunayan nina Pangulong Arroyo at PNP chief Gen. Hermogenes Ebdane na epektib ang kanilang formula upang mapalaya ang nagiging bihag ng mga kidnapper sa pamamagitan ng kanilang ipinagmamalaking "TnT formula."
"Dito nila gamitin ang tried and tested formula na ipinagmamalaki ng gobyerno sa pamamagitan ng pagliligtas sa mga dinukot na guro ng MSU na ngayon ay nasa kamay pa rin ng kanilang abductors sa Mindanao," wika ni Biazon.
Magugunita na lumiham ang mga gurong dinukot kay Pangulong Arroyo at nagmamakaawang sagipin sila sa kamay ng mga kidnapper nito na nasa Mindanao subalit iniutos ni GMA sa militar na mahigpit na ipatupad ang "no ransom policy" ng gobyerno kasabay ang pag-uutos na magsagawa ng military operations para iligtas ang mga guro. (Ulat ni Rudy Andal)