Sa walong pahinang per curiam decision ng SC en banc, binalewala lamang nito ang inihaing petition for certiorari ng FLAG para katawanin ang lahat ng bilanggong nakasalang sa parusang bitay.
Binigyang diin ng SC na matagal na nilang dinesisyunan ang ligalidad ng death penalty law partikular ang Republic Act 7659 o Heinous Crimes Law at Republic Act 8177 na nagpapatibay naman sa paggamit ng lethal injection para sa pagbitay ng isang bilanggong nasa death row.
Sinabi pa ng SC justices na ang parusang kamatayan ay hindi lumalabag sa Konstitusyon base na rin sa kanilang nakalipas na hatol sa kaso ng akusadong si Leo Echegaray na naunang binitay sa pamamagitan ng lethal injection.
Ayon sa Mataas na Hukuman, dapat ay kay Pangulong Arroyo dumulog ang mga death row inmates dahil ito ang may kapangyarihan na magbigay sa kanila ng pardon at executive clemency.
Kaugnay nito, nilinaw ng SC na wala sa kanilang saklaw ang pagbawi ng parusang bitay dahil ito ay nasa kamay ng Malacañang bukod pa dito, mananatiling legal ang death penalty law hanggang hindi naipapasa ng Kongreso ang bagong batas para sa pag-aalis ng heinous crimes law at lethal injection law.
Matatandaang naghain ng petisyon ang FLAG noong Agosto 25, 2002 sa SC para katawanin ang 29 death row inmates at hilingin na magpalabas ito ng temporary restraining order laban sa Department of Justice, Bureau of Corrections at mga judges ng Regional Trial Court para huwag ituloy ang pagbitay sa mga ito.
Nais din ng mga ito na ibasura ang death penalty law dahil ito ay labag sa batas kaya dapat lamang ibaba ang lahat ng hatol sa parusang habambuhay na pagkabilanggo.
Ilan sa mga unang isasalang sa bitayan ngayong taon sina Rolando Pagdayawon, Eddie Sernadilla, Filemon Serrano, Alfredo Nardo, Jimmy Jacob at unang bibitayin sa susunod na taon ay si Ramil Rayos.
Sinuspindi ni Pangulong Arroyo ang pagbitay sa mga nabanggit na akusado dahil sa pagbibigay galang sa ika-70 taong kaarawan ni Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin, subalit kinatigan ng SC ang naturang petisyon kaya posibleng matuloy ang parusang bitay. (Ulat ni Gemma Amargo)