Ayon kay Perez, nagsisigaw sa opisina at pinaghahampas ang kanyang mesa ni Wang dahil ipinipilit nitong palayain na ang lahat ng nahuling Chinese poachers.
Sinabi nito kay Wang na hindi niya maaaring utusan ang hukuman na pakawalan kaagad ang 122 Chinese poachers dahil sa wala naman ito sa ilalim ng kanyang kapangyarihan.
Maaari lamang umanong palayain ang mga akusado na anim na buwan ng nakakulong sa oras na maghain ng plea of guilty sa Palawan Regional Trial Court (RTC) dahil ito ang nakasaad sa ilalim ng batas.
Sinabi ni Perez, na kailangan munang bayaran ng mga akusado ang $50,000 na multa sa kasong illegal fishing bukod pa sa multa na kinakailangan nitong bayaran sa Bureau of Immigration and Deportation (BID) sa paglabag ng mga ito sa immigration laws.
Nagpadala na rin si Perez ng liham kay Foreign Affairs Secretary Blas Ople na ideklarang persona non grata si Wang dahil sa kabastusang ipinakita nito sa kanya.
Sinumbat pa umano ni Wang ang ipinadala nitong mooncake sa kalihim na hindi natinag sa posisyon nitong hindi palayain ang mga Chinese poachers na nahuli sa nasabing karagatan noong Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon.
Umaasa si Perez na sa lalong madaling panahon ay sisipain palabas ng bansa si Wang at magpapadala ang China ng matinong ambassador sa Pilipinas. (Ulat ni Gemma Amargo)