Agad naman itong idinepensa ng Malacañang at sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye na walang nakikitang masama dito ang Palasyo.
Ang litrato ay cover ng unang anibersaryo ng magazine na Philippine Tatler. Kasama dito ng Pangulo ang mga piling miyembro ng Gabinete na sina Defense Secretary Angelo Reyes, Trade Secretary Mar Roxas, Finance Sec. Isidro Camacho at Executive Secretary Alberto Romulo na pawang nakasuot ng itim na damit at itim na sunglasses tulad ng mga bida sa pelikulang MIB.
At dahil pinakamataas na lider ng bansa ay kinumbida ng naturang magazine ang Pangulo para maging cover. Gayunman, tumanggi nang magsalita pa ang editor ng Tatler dahil ayaw na nilang palakihin pa ang isyu.
Ang photo ay kinunan sa Malacañang noong Agosto. At gaya ng pelikulang MIB na tungkol sa paglaban sa mga alien, sinabi ng Palasyo na sa tunay na buhay hindi umano nalalayo ang trabaho ng Pangulo sa ginagawang paglaban sa krimen.
Nilinaw ni Bunye na hindi malaking kabawasan sa Pangulo ang nasabing litrato kaugnay sa pangangasiwa sa gobyerno.
Ikinatwiran ng kalihim na ang nais lamang na mensahe rito ay mga mabubuting tao na taga-sagip ng mundo tulad sa pelikulang MIB. (Ulat ni Ely Saludar)