Binigyang diin ni Chief State Prosecutor Jovencio Zuno na bumiyahe na kahapon sa Zamboanga City ang dalawang Malaysian lawyers para kunan ng pahayag ang nasabing rape victim. Tumulak din kahapon patungong Zamboanga sina Public Attorneys Office chief, Atty. Persida Acosta at ang kinatawan ng Department of Foreign Affairs na si Atty. Angela Ponce.
Ayon sa DOJ, gusto nila na mismong ang Malaysian lawyers ang makarinig mula sa biktima kung ano ang mga pangalan at itsura ng Malaysian jailguards at police na tinutukoy ng bata na nang-rape sa kanya.
Kapag natukoy na ang mga suspek sa krimen ay agad silang makikipag-ugnayan sa pamahalaang Malaysia para makuha ang mga larawan ng mga ito mula sa Sandakan jail para sa pormal na paghaharap ng kasong kriminal. (Ulat ni Gemma Amargo)