Malaysia tanggalin sa ASEAN - Sen. Honasan

Nanawagan si Senador Gregorio ‘‘Gringo’’ Honasan kay Pangulong Arroyo na pag-usapan sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang posibleng pagpataw ng sanction laban sa Malaysia, kasama na ang pagpapatalsik nito ng ASEAN dahil sa di-makataong pagtrato ng naturang bansa sa mga pinapalayas na mga manggagawa mula sa Pilipinas at Indonesia.

‘‘Sa ginawa ng Malaysia, lumabag ito sa ‘‘good neighbor policy’’ ng ASEAN. Ang mga mamamayan sa mga kasaping bansa ay binibigyan ng ‘‘special and preferential treatment’’ para na rin malinang ang malayang pakikipagkalakal at turismo sa loob ng rehiyon,’’ ani Honasan.

Diniin ni Honasan na maraming mekanismo at istruktura ang ASEAN katulad ng ASEAN Foreign Minsters’ Meeting at ASEAN Standing Committee nito na maaaring ginamit ng Malaysia upang ipaalam at i-konsulta ang mga bansang maaaring maapektuhan bago nito tuluyang ipinatupad ang malawakang pagpapatalsik sa mga di-dokumentadong manggagawa mula sa ibang bansang kasapi ng ASEAN.

‘‘Ang mga mekanismong ito ay maaari pa ring gamitin ng Malaysia, Indonesia, Pilipinas at iba pang kasaping bansa para lamang maipatupad ang maayos at makataong pag-uwi ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya sa kani-kanilang bansang pinagmulan. Sa ganitong hakbangin, makikita ang pinakamabuting paraan kaysa pauwiin na lamang silang parang sardinas sa mga sira-sirang barko,’’ diin pa ni Honasan.

Inihayag pa ni Honasan na ang sinumang ‘‘undocumented foreign worker’’ na mahuli sa Pilipinas ay dadaan muna sa ‘‘summary deportation proceedings" bago pa ito tuluyang patalsikin sa labas ng bansa ayon sa batas.

Inilahad ng senador mula Bicol na ang tinatawag na ‘‘border trade’’ at malayang pagtawid ng mga tao sa pagitan ng Mindanao at Sabah ay matagal nang nagaganap bago pa man naitatag ang Pilipinas at Malaysia. Kaya hindi dapat basta-basta isinara ng Malaysia ang kanyang border nang walang pagsasaalang-alang sa maaapektuhang Pilipino at pati na rin ang mga Malaysian na ilang henerasyon nang nakikipagkalakaran sa isa’t isa. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments