Nagbigay indikasyon kahapon ang Presidente na maaari niyang pagkalooban ng "executive clemency" ang mga bilanggo sa death row sa kasong rape, pero hindi sa kasong kidnapping.
Pinag-aaralan ngayon ng DOJ kung gagawaran ng executive clemency o pagpapatawad ang tatlong death convicts na takda sanang bitayin sa loob ng taong ito.
Ang suspensiyon ng parusang kamatayan ay nakapaloob sa tatlong magkakahiwalay na direktibang pinalabas ng Pangulo kina Rolando Pagdayawon, Eddie Sernadilla at Filomeno Serrano.
Si Pagdayawon ay dapat sanang bitayin sa Agosto 30, 2002 subalit pinalawig ito ng hanggang Nobyembre 28, 2002; si Sernadilla ng Pangasinan ay sa Setyembere 3, 2002 pero ito ay inilipat sa Disyembre 2, 2002, samantala si Serrano na hinatulan ng Pasig RTC at nakatakdang bitayin sa Setyembre 20, 2002 ay iniurong sa Disyembre 19, 2002.
Sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye na ang tatlong reprieve order ay may lagda ng Pangulo at ni Executive Secretary Alberto Romulo na ipinadala kahapon sa opisina ni Justice Secretary Perez.
"The penal system is supposed to be rehabilitation rather than revenge. You rehabilitate a live person and not a dead person," anang Presidente.
Ayon sa Pangulo, iba ang kaso ng pangingidnap dahil ang mga ito kahit na nasa loob ng bilangguan ay makakapagsagawa pa ng operasyon.
"Rape is a crime of passion. You can therefore rehabilitate them while under custody," sabi pa ng Pangulo.
Gusto muna raw niyang mabigyang pagkakataon ang debate sa panukalang batas na pirmado ng 100 mga kongresista na humihiling na alisin na ang parusang bitay.
Ipinagpalagay naman ng ilang sektor na ang ginawa ng Panguloy tanda ng panlalambot ng kanyang pagkatig sa death penalty dahil sa pag-uudyok ng simbahan at mga human rights group.
Kasalukuyang niluluto rin sa Senado ang bill para ibasura ang bitay. (Ulat ni Lilia Tolentino)