Sa isang press conference kahapon sa Camp Crame, sinabi ni deputy director for operations, director Gen. Edgar Galvante, nanghihina ngayon ang loob ng mga pulis na nagsagawa ng operasyon sa Magallanes, Cavite dahil sa halip na purihin ay pinagdudahan pa ang pagiging lehitimo ng naturang barilan.
Sa halip na batikos, hiniling ng mga pulis ang suporta sa publiko para sa mga susunod pang operasyon.
Samantala, pinabulaanan din ng PNP-Crime Laboratory chief Sr. Supt. Restituto Mosqueda ang akusasyon ng pamilya ni Marohombsar na binabaril ang suspek habang nakaluhod.
Ipinaliwanag nito na base sa kanilang pagsusuri, si Marohombsar ay nagtamo ng tatlong tama ng punglo sa M16 rifle kung saan dalawa dito ang malapit sa kilikili.
Nabatid pa na ang bala ay pumasok sa gitnang bahagi ng kanang kilikili ni Marohombsar at paitaas ang direksiyon nito kung saan lumabas ito sa gawing itaas.
Kung binaril umano si Marohombsar ng nakaluhod ito ay dapat sana pababa ang tagos ng bala na tumama sa kanyang katawan.
Itinanggi rin nito na nagtamo ng laslas sa leeg ang suspek. Konting pasa at gasgas lamang ang tinamo ng suspek kung saan ipinaliwanag na normal lamang ito sa mga taong natutumba.
Positibo rin sa paraffin test ang bangkay ni Marohombsar subalit hindi pa umano naisasailalim sa pagsusuri ang narekober na armas nito na M16 rifle. (Ulat ni Danilo Garcia)