Ayon kay US Ambassador to the Philippines Francis Ricciardone, walang dahilan upang ilabas sa publiko ang video lalo pat ito ay nasa kamay ng intelligence office ng US.
Ang pahayag ni Ricciardone ay sa kabila ng mga kahilingan na ilitaw na ang video footage upang maalis na ang pagdududa kung patay na o buhay pa si Sabaya.
Ikinatwiran ni Ricciardone na naipakita na ang video sa mga intelligence officials at maging kay Pangulong Arroyo.
Aniya, kumbinsido rin ang US government na patay na si Sabaya kaya hindi na dapat pang pagtalunan ang nasabing usapin.
Kaugnay nito, sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye na wala ng balak ang Palasyo na ipilit pa ang pagpapalabas ng video at nauunawaan ng Malacañang ang pagtanggi ng Amerika dahil itinuturing na isang sensitibong material ng US intelligence ang video footage.
Sinabi naman ni National Security Adviser Roilo Golez na hindi gobyerno kundi ang mga nagsasabing buhay si Sabaya ang dapat na maglabas ng ebidensiya upang matapos na ang isyu. (Ulat ni Ely Saludar)