Desierto 'over-age' na

Dahil sa pagiging "over-age," inilaglag ng Korte Suprema ang kanilang rekomendasyon kay dating Ombudsman Aniano Desierto sa Judicial Bar Council (JBC) bilang susunod na Associate Justice ng Mataas na Hukuman.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang impormante sa SC, hindi nakasama sa rekomendasyon si Desierto dahilan sa natuklasan na over-age na ito dahil kung susundin ang Rule 8 Section 2 rules, ang non-career official ay kailangan na hindi hihigit sa 65 anyos kung nais na makapasok sa SC.

Bukod dito, kaliwa’t kanan din ang mga kaso na nakahain laban dito, kabilang na ang bribery at corruption na isinampa ni Atty. Ernesto Francisco at iba pang reklamo sa JBC na umano’y naagrabyado ni Desierto.

Pinag-aaralan din ng JBC kung si Desierto ay ituturing na non-career dahil wala na ito sa puwesto bilang Ombudsman sa pagkakataong nominado ito.

Nabatid na limang pangalan lamang ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa ginawang botohan kahapon ng Mataas na Hukuman na kanilang ipadadala sa JBC.

Kabilang dito ang mga SC justices na sina acting Presiding Justice Cancio Garcia, CA Justices Delilah Vidallon Magtolis at Conchita Carpio-Moralles habang tanging si UP College of Law Dean Raul Pangalangan ang hindi mahistrado na nakasama sa nominasyon.

Binalewala din ang nominasyon nina dating Comelec chairman Alfredo Benipayo at dating Presidential Legal counsel Adolf Azcuna.

Kinumpirma ng source na disqualify si Benipayo na makapasok sa SC dahilan sa pinagbasehan ng mga mahistrado ang nakatambak na reklamo laban dito.

Nasa kamay na umano ng JBC kung bibigyan ng pagkakataon sina Desierto, Benipayo at Azcuna na maisama sa listahan na nakatakdang ipadala sa Malacañang sa linggong ito. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments