Pagbuo ng Dept. of Housing aprub sa Kamara

Upang matapos na ang problema ng gobyerno sa squatters at sa problema ng pabahay na umaabot sa 4.5 milyon ang housing backlog, inaprubahan kahapon ng Mababang Kapulungang sa ikalawang pagbasa ang pagtatayo ng Department of Housing and Urban Development na nakasaad sa House Bill 4517.

Sinabi ni Speaker Jose de Venecia na papalakasin ng nasabing panukalang batas ang programa ng gobyerno para sa mass housing.

Ito aniya ang sagot sa problema ng mga mahihirap na wala pang sariling tirahan dahil maaari na silang mangutang sa abot ng kanilang makakaya.

Isasailalim naman sa kontrol ng itatayong departamento ang Home Guaranty Corporation, National Housing Authority na tatawaging National Housing Corporation, National Home Mortgage Finance Corporation, Home Development Mutual Fund at ang Housing and Land Regulatory Board na tatawagin ng Real Estate Arbitration at dito kukuha ng magiging kalihim.

Sa sandaling maging isang ganap na batas, ang pondo, empleyado at kapangyarihan ng HUDCC ay ililipat sa itatayong departamento pagkatapos ng anim na buwan. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments