Pinuna ni Carolina na tila mas pinapanigan pa ng dalawang militanteng mambabatas ang naturang bandido na gumawa ng katakot-takot na krimen at pagpapahirap sa kalagayan ng pag-unlad ng bansa.
Iginiit ni Carolina na lehitimo ang kanilang operasyon dahil armado sila ng warrant of arrest ng magsagawa ng raid sa safehouse ng Sayyaf na si Boyong-Boyong Isnijal na nahaharap sa maraming kaso ng pagpatay at panggagahasa.
Ipinaliwanag din nito na isang staff sergeant ng Army na si SSgt. Mirallosa ang umanoy nakadale sa Sayyaf at nagsilbing medic lamang umano ang sundalong Kano na si Reggie Lane na pilit na tinuturo ng mga militanteng grupo na siyang nakabaril.
Nagtataka umano siya kung bakit masyadong pinalalaki ng mga ito ang isyu ng pagkakabaril sa isang bandido na posibleng isa sa mga namugot sa mga walang kalaban-laban nilang biktima.
Nagmatigas ito na sa loob ng anim na buwan na military exercises ng Balikatan, wala ni isang sundalong Kano ang isinama nila sa isinasagawang mga operasyon laban sa ASG.
Ayon naman kay Defense Secretary Angelo Reyes, isang SSgt. Mirallosa ang nakabaril kay Isnijal matapos na makipagbuno ito sa kanya sa isinagawang raid sa Tuburan, Basilan nitong nakaraang Hulyo 25.
Si Lane lamang umano ang naghatid sa pagamutan sa sugatang si Isnijal at tinamaan sa kanyang hita at hindi kasama sa naturang raid.
Ang naturang sundalo ang itinuturo nina Ocampo at Maza na nakabaril sa bandido. Iginigiit ng mga ito na i-court martial ang naturang sundalo dahil sa paglabag sa terms of reference ng Balikatan Exercises. (Ulat nina Danilo Garcia at Lilia Tolentino)